Dear DZRH

Dear DZRH

DEAR_RH

Dear DZRH,

Malugod ko pong binabati sa ika 75 years ang DZRH, at going strong pa din.  More power po, pwera brown out.

Nagagalak po ako sa pamunuan ng DZRH na magkaroon ng isang patimpalak sa mga ala-ala ng DZRH sa aking buhay.  Ako po ay si Gng. Belma F. Abuiza, isang government employee.

Noong high  school po ako  taong 1975 ay talagang masugid akong tagapakinig ng DZRH. Ang “Gabi ng Lagim”, iba-iba ang mga episode, may aswang, multo, barang, at tamang-tama pa ang oras sa gabi po talaga. Ang lakas ng imahinasyon ko kapag radio. Ang gagaling ng radio talents, mga boses na iniba-iba, mga yabag ng kabayo, halakhak ng magkukulam. Ay, doon pala sa “Zimatar” ang halakhak ni “Eng-Eng” nakakatakot ang boses, kalaban siya ni Zimatar, at pag-umpisa na ang “Zimatar” sa bandang tanghali ito, umaalulong ang mga aso naming kasi ang lakas ng impact ang opening ng “Zimatar”, doon ko narinig ang mga salitang ‘kubakub’.  De-baterya pa ang radyo namin noon, at kung pumapalya pa ang battery, sa umaga ay pinaiinitan ko sa araw, o di naman kapag umuulan medyo iniihaw ko pa ito, epektib po, makaka-subaybay na naman ako ng mga peborit ko. Walang trabaho ang tatay ko noon, sumalangit nawa, kaya mahirap talaga ang buhay, at kubo pa ang bahay namin noon sa palibot ng palisdaan, napaka-payak ang  buhay namin at radyo lamang ang aming libangan. Naalala ko pa ang dramang “Bente Kwatro Oras,” ang ganda ng mga story na nagaganap lang sa 24 hours. Naalala ko ang sinusubaybayan na “Mga Mata ni Angelita”, “Matudnila”, “Pamilya Banal”.  Mahilig ako sa radyo, pati nga sa may kisame ay dinadala ko ang radyo para walang istorbo… Mga balita din sa umaga na very informative at kung medyo gabi na nakikinig din ako ng DZRH Operation Tulong, na imagine ko na nakapila ang mga kapos-palad na nangangailangan ng tulong, may sakit, panawagan sa nawawala na mahal sa buhay, at nawawalang mga belongings… nakaagapay ang reporter na taxi driver na myembro ng DZRH Operation Tulong, kahit na matigas ang pagbigkas ng reporter ay ok na din kasi sila ang nasa lansangan na field reporter at driver din.

Ang hindi ko talaga malilimutan ang “Ang Inyong Tiya Dely”, Mga pangyayari sa tunay na buhay na sinasadula at pagpapayo ni Tiya Dely. Napaka-praktikal ng payo nya, at sinasabi nya kung fault mo ang nangyari. Maliit pa anak ko noon, alam nya din ang oras ni Tiya Dely at ang sabi anak ko, “Mama DiLy Dily na”, natatawa ako. 24 years old na siya ngayon.  May programa din si Tiya Dely sa gabi, para lang siyang nagkwekwento sa buhay nila na nasa Marikina sila, pero maraming puno ang kanilang paligid, nasabi niya nga pag namatayan sila ng hayop ay nililibing sa may puno at magsisilbing fertilizer, at ganoon din ang ginagawa ko. Nasabi din nya na sa bawat sulok ng kanilang bahay ay may kawayan na pang-hampas, sa mga intruder man o sa daga or ahas, meron ako nyan sa bahay, at napaka-useful, minsan nga yata naihampas ko din sa anak kong makulit, mild lang naman ang palo ko. Naalala ko may child protection policy na. Yan lang po ang di malilimutang ala-ala ko sa DZRH.

Hanggang ngayon lola na ko ay may de-bateryang radyo pa din ako, di ko na iniihaw o pinaiinitan sa araw..China- charge ko na lang po.

Sana po kayo po ay tumawa, nangiti sa aking munting liham…ako po ay parang Tiya Dely na din ng aming paaralan dahil ako po ay isang Guidance Counselor ng mga high school students.

Maraming salamat po sa ala-alang binigay ng DZRH, Congratulations sa 75th year celebration.

God Bless and more Power!

Belma Fortin-Abuiza

One Comment

  1. Noon panahon na kinasasabikan ang pinakamaganda at sinusubaybayan bago ang tanghalian ay nag uumpk muna kami mga bata, matanda walang edad basta nag umpisa na ang Zhimatar mula pa sa Maynila at nalipat kami sa Pampanga ay sinubaybayan pa rin ito mga kapana-panabik na paglalakabay na ating bida sa himpapawid ay ang Zhimatar na lalo pa nagbigay ng mga maaksyon kapag ang iyong pakikinig na kahit sa am radio ay para nandoon ka in lalo na makapigil hininga na labanan ng Zhimatar at eng-eng hahaha ang galing wala ng iba talaga mahirap makalimutan ang mga karanasan.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*